Wednesday, August 29, 2012

SIMPLENG BUTAS O MALING PARATANG




Hulyo 21, alas 10:30 ng umaga… Abala si Celeste sa paggawa ng worksheets. Sila lamang ng anak niyang si Atong ang nasa bahay. Nasa labas noong mga oras na iyon si Inday dahil inutusan ito ng kanilang kapitbahay na si Pepe na bumili ng pagkain ng anak nitong si Totoy. Ni hindi man lang ipinagpaalam ni Pepe kay Celeste na uutusan niyang muli si Inday. Mga tatlumpung minuto pagkaalis ni Inday ay tumawag ang asawa ni Celeste na nasa ibang bansa at kinukumusta sila. Habang nag-uusap ang mag-asawa, merong kumatok sa pintuan sa ibaba ng bahay kaya sinabi ni Celeste sa kanyang asawa na tumawag na lamang uli dahil may tao sa pinto. At natapos na nga ang kanilang usapan. Habang bumababa si Celeste sa hagdanan ay naulinigan niya na nagsasalita ang lasing na si Pepe (na siyang nag-utos kay Inday upang bumili ng pagkain ng kanyang anak). Subalit ang kumakatok ay si Inday at hindi si Pepe o hindi rin ang anak nitong si Totoy (ito ang napag-alaman ni Celeste sa bandang huli ng istorya). At ganito na ang naging senaryo:

Celeste: Sino yan?

Inday: Si Inday po.

Pepe: “Pano ka nakalabas dyan na walang tao sa loob?”, tanong nito kay Inday na pabalang (para ba namang hindi pwedeng lumabas ang tao ng bahay kung walang tao sa loob… ang hina talaga ng kokote!)

Inday: Nasa loob po si Manay Celeste baka po napaidlip o may kausap… (hindi daw pinansin yun sinabi niya).
Pagbukas ni Celeste ng pintuan, nakatayo sa labas si Pepe, Inday at Totoy pati ilang mga bata na kala-kalaro ni Totoy sa lansangan.

Pumasok si Inday sa loob ng bahay diretso sa mesa para ihanda na ang pagkain ni Totoy (na hindi naman niya alaga upang pagsilbihan. Marahil ito ay dahil sa utos ni Pepe na wala namang karapatan na utusan si Inday). Habang naghahain si Inday, si Celeste ay nakatayo at nagsasalita naman itong si Pepe sa bukana ng pintuan ng bahay. Ang buong akala ni Celeste ay si Inday ang kinakausap nito at pinagsasalitaan ng hindi maganda. Lubhang nagulat at nagulumihanan si Celeste noong malaman niya na siya pala ang kinakausap ni Pepe dahil ni wala sa kanyang hinagap na magagalit ito sa kanya dahil wala siyang matandaan na ginawa niyang masama dito sa tao at sa anak nitong si Totoy.

Pepe: Bakit ba ayaw mong buksan ang pinto ha?

Celeste: Naka earphone ako kaya hindi ko agad narinig na may kumakatok. 

Pepe: Ano ba ang problema mo ha? (nakaduro ang daliri)…

Lingon muna si Celeste kay Inday dahil akala niya ay ang kasambahay ang kinakausap ni Pepe. Tapos balik uli ang tingin nito sa taong lasing at nanggagaliiti sa galit sabay tanong na:

Celeste: Ako ba ang kinakausap mo?

Pepe: Oo ikaw p--- i---  ka! (nakaduro ang daliri kay Celeste kaalinsabay ang pagngangalit ng mga ngipin ng taong imbi at dayukdok sa alak).

Celeste: Bakit ano ba ang nagawa ko?

Pepe: Kung may problema ka sa pamilya mo huwag mong idadamay ang pamilya ko pati anak ko ‘t--- --- mo!

Celeste: Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo.




Pepe: Kanina pa kumakatok ang anak ko ayaw mong pagbuksan at ayaw mong papasukin, ayoko ng ganyan. Umayos ka baka samain ka sa akin ‘t--- --- mo!

Celeste: Kelan ko ba hindi pinapasok si Totoy dito sa amin? Pinaghihimay ko pa ng isda yan pag dito mo pinapakain  at kinukumutan ko sa gabi pag dito natutulog. (Hindi lamang maidagdag ni Celeste na ‘kapag nakagumon ka sa alak at barkada mo ako ang kumakandili sa anak mo na kahit kelan ay hindi mo nagawa maging ng asawa mo sa aking anak').
 
Celeste: (Bumaling kay Totoy, sabay tanong) Totoy, hindi ba kita pinapasok dito? 

Totoy: Pinapapasok po.

Pepe: Huwag kang kikilos ng hindi ko gusto dito ha sasamain ka talaga sa akin!

Celeste: Dios ko, ano ba naman? (napabuntunghininga na lamang ito sabay tingin sa mga bata na nakatingin sa kanya na animo mga naaawa sa itsura nito).

Pepe: Magsumbong ka sa asawa mo, hindi ako natatakot. Pag-untugin ko pa kayo  ‘t--- --- mo!

Celeste: Ewan ko ba sa iyo bahala ka na… (sabay upo ni Celeste sa upuan na nanlulumo dahil sa sakit ng mga narinig na salita at pagkabigla sa nangyari).

Pepe: Hoy! (bulyaw nito kay Inday), pakainin mo na ‘yang anak ko. 

Inday: Opo. Totoy, halika na kain ka na.

Pepe: Sige kumain ka lang diyan ako bahala sa iyo (sabi sa anak niya habang lumalakad palayo).

Ilang segundo lamang ay bumalik ito…

Pepe: Halika na, dalhin mo yan pagkain mo dun ka na lang sa bahay natin kumain (sabi sa anak). Ayoko ng ganyan na gawain ng ‘t--- --- yan! (marahil ay si Celeste ang tinutukoy).

At umalis na nga ang mapaghari-harian na si Pepe…

Inday: Manay, ang ipinagtataka ko lang po, alam naman ni Mang Pepe na ako ang kumakatok at hindi si Totoy pero bakit sinasabi niya na ayaw mo daw pagbuksan at papasukin ang anak nya? At saka po kararating lamang namin, ipinasama niya po kasi si Totoy sa akin pagbili ng pagkain niya.

Celeste: Ganon ba? Eh ewan ko kung bakit…

********* THE END *********


OPINYON:
Walang karapatan ang sinuman na magbitaw ng masakit sa kapwa ng walang basehan o mabigat na dahilan. Ang tinamo ni Celeste na masasakit na salita, pagmumura at pagbibintang at higit sa lahat ay ang pagbabantang pananakit ni Pepe sa kanya ay hindi simpleng bagay lamang lalo pa’t siya ay isang babae na mahina at hindi kayang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa lalaking puro dahas at pananakot ang ginagawa sa kapwa. Walang karapatan si Pepe na gawin ang mga bagay na nabanggit ko dahil hindi nito kaano-ano si Celeste, hindi niya ito pinapakain at ni katiting man na pagpapagal o hirap ay wala siyang naiambag sa abang babae.

Kung anuman ang tunay na pinagngingitngit ni Pepe, sa aking palagay ay ‘butas’ na lamang iyong sinasabi niya na ayaw papasukin ni Celeste ang anak niya dahil si Inday na rin ang nagsabi na siya ang kumakatok at hindi si Totoy at kararating-rating lamang nila. Sa pakiwari ko ay may mas higit pa na dahilan kaysa doon sa ibinibintang niya kay Celeste. Kung anuman yun ay hindi ko alam at kahit si Celeste mismo ay hindi rin alam kung ano nga ba ang dahilan at dumami ang mga ‘talangka’ sa ulo nitong taong lilo.

Ano pa man ang dahilan, napakalaking pagkakamali ang ginawa ni Pepe kay Celeste lalo pa at asikaso nito ang kanyang anak kahit na hindi nito kadugo ang bata… Sa mga taong katulad ni Pepe, hindi natin alam kung ito ay tumatanggap pa nga ba ng pagkakamali o pagsisisi dahil sa likas nitong kahambugan at bilib sa sarili… Masyado namang ‘matayog ang lipad ng saranggola mo Mang Pepe’. Sino at ano ka nga ba? Para sa akin, You are just a ‘trash’ and a ‘scratch’ in our society. 


Photos: Localism.com

No comments:

Post a Comment