Friday, May 8, 2015

SANA NANDITO PA SI NANAY


Mula pa noong bata ako ay kinalinga at inaruga
Ni inang sadyang walang katumbas ang halaga
Masaya man o malungkot ang aking pagkabata
Kanyang pagmamahal, nakatatak lagi sa gunita.

Dati-rati ay may inang natatakbuhan
 Sa mga oras ng pangangailngan
Subalit ngayong siya ay hindi na kapisan
Unos ng buhay ang hirap nang malampasan.

Kahit pa may kabiyak na sa aki'y nagbibigay ng halaga
May mga oras na hinahanap-hanap ko kanyang pagkalinga
Iba pa rin talaga ang pagmamahal niya
Na hatid sa akin ay galak at ligaya.




Mula noong kami ay kanyang lisanin
Napakahirap tanggapin subali’t kailangang kayanin
Nawa sa kanyang kinaroroonan mabigyan pa rin ng pansin
Nang Panginoong Dios na labis ang pagkamaawain.

Wala na akong nanay na maaring matakbuhan
Lalo na sa ganitong panahon ng kahirapan
Halos tabunan ako ng ga-mundong suliranin sa aking harapan
Kung narito lamang siya disin sana itong hilahil ay dagling maiibsan.





Babalik-balikan ko na lamang sa aking isipan
Ang maliligayang araw na nagdaan
Na minsan ako ay nagkaroon inang kaagapay
Nang sa gayon kahit papano ay mawala itong lumbay.

Tunay ngang walang kapantay ang pagmamahal ng ina
Animo’y dalisay na ginto ang totoong kapara
Kaya sana habang kapiling pa ninyo ang inang sinta
Sa kanya ay iparamdam ang lubos na ligaya.



Happy Mother's Day, Nanay!







No comments:

Post a Comment