Friday, September 4, 2009

GURO: Isang Magandang Ehemplo Ka Nga Ba?



Paano nga ba nasusukat ang katangian ng isang guro? Ito ba ay sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanyang mag-aaral ng academics at kagandahang-asal? O di kaya naman ay pagpapakita ng isang magandang imahe upang siya ay tularan ng kanyang mga estudyante? Maaring ang aking mga nabanggit ay tamang lahat. Ngunit paanong masasabi na ang guro ay isang magandang ehemplo kung siya ay isang balasubas?

Nakikiraan lamang po ako sa katulad ko din na mga guro… Mayroon akong kakilalang guro na sa aking pag-aakala ay isang huwaran, mabait, makatao at hindi mapanglamang ng kapwa. Subalit ang lahat pala ng ito ay puro kabaligtaran ng kanyang taglay na katangian.
Simpleng kwento at simpleng pangyayari lamang naman…
 

Sa hirap ng buhay ngayon naisipan kong ma-engaged sa direct selling kahit na ang aking asawa ay sobra ang pagtutol dahil sa mga negative feedback na kanyang nasagap tungkol dito. Ngunit sadyang matigas ang aking ulo marahil ay sa kadahilanang gusto kong magkaroon ng extra income at nang sa gayon ay pambili ko man lamang ng aking mga personal na gamit ay hindi ko na iasa sa aking asawa o di kaya naman ay hugutin pa sa aming budget.

Buwan ng Hulyo, nag order sa akin ang isang guro ng sandalyas at blusa… Hindi ko siya inalok bagkus siya ang lumapit at nagtanong sa akin noong magkasalubong kami sa pasilyo ng school building na pinapasukan ng aking anak, na kung maaari daw ba siyang mag credit ng items sa akin. At kaming dalawa naman ay nagkasundo. Makalipas ang ilang araw, akin namang naibigay sa kanya ang kanyang mga orders. Kinabukasan, isinauli ang blusa dahil masyado daw itong malaki para sa kanya. Mag oorder na lamang daw siya ng iba ngunit hindi naman nangyari. Gayundin ang ginawa nya sa sandalyas, ibinalik sa akin at pinapalitan ng size dahil maliit o masikip daw sa kanyang mga paa. Ito naman ay napapalitan ko at naibigay sa kanya ang tamang sukat. Ngunit muli, ito ay kanyang ibinalik sa akin dahil masyado daw mataas ang takong nito. Muli, mag oorder na lamang daw siya ng ibang style. Sa madaling salita ito ay naibigay ko rin kanya at ang nasabing sandalyas ay “in good condition”. Makalipas ang isang lingo ay ipinasauli uli sa akin ang sandalyas sa kadahilanang isang araw lamang daw niyang ginamit iyon ay napudpod na ang takong. Ang gustong mangyari ng guro ay akin iyung ipa repair sa direct selling outlet na pinagkuhanan ko. Kahit medyo nagkukutkot na ang aking kalooban dinala ko ang naturang sandalyas sa outlet para ipagawa. Ngunit wala daw silang repair sabi ng outlet manager kaya ipagawa na lamang daw ng customer sa shoe repair shop tutal siya naman ang naka damaged nung sandalyas. Muli ito ay aking ipinabalik sa guro at ipinasabi na walang repair ang outlet at siya na lamang ang magpagawa ng takong nang naturang sandalyas.



Hindi ko malubos isipin na hindi siya makakaramdam ng hiya sa akin dahil ang sabi niya ay; “Sige, ipapagawa ko ito pero ibabawas ko sa ibabayad ko dito sa sandals.” Magkagayunpaman, sinikap kong maging civilized at ayokong patulan ang kanyang ipinasasabi sa akin. Makaraan ang mahigit isang buwan, pinakukuha ko sa kanya ang bayad ng nasabing sandalyas. Ibinilin ko na kung ibabawas ang pinampagawa ng takong hayaan na lamang para wala ng usapan. Subalit ayon sa tagapag alaga ng aking anak, ang guro daw ay nagagalit at kinuha daw ang aking cellular phone number sa kanya at ang mensaheng ipinapasabi sa akin ay itetext na lamang daw niya (guro) ako. Ngunit wala naman akong natanggap na text o tawag mula sa kanya. At dahil nga sa mahigit nang isang buwan mula noong kunin niya ang nasabing sandalyas, pinabalikan ko siya upang kunin ang bayad o malaman ko man lamang kung kailan siya magbabayad (hindi ko na nga siya siningil dun sa due date at ini extend ko pa ang kanyang date of payment). Subalit ang kanyang sagot ay mag-usap muna daw kami bago siya magbayad at kung ano ang mpagkasunduan yun lamang ang kanyang babayaran sa akin. Parang umakyat ang dugo sa aking ulo ngunit sinikap kong huwag maapektuhan dahil ayokong humantong kami sa hindi pagkakaunawaan. Una, inaalagaan ko ang aking reputasyon. Pangalawa kung lumalabas man na parang wala siyang mataas na pinag aralan, ayokong bumaba o pumantay sa level niya.

Ang tanong ko tuloy sa aking sarili... "Hindi ba't isa siyang guro, bakit napaka walang katwiran naman ng kanyang dahilan? Ako kaya ay balak pa niyang bayaran o gumagawa na lamang siya ng mga alibi nang sa gayun ako ay tuluyang mainis at hindi ko na lamang siya singilin?" Kahit saang anggulo ko tignan parang di makita na tama ang kanyang rason. Sapat na dahilan ba iyung hindi niya ako dapat bayaran o bawasan ang ibabayad niya sa akin o ako ang dapat managot sa damage ng napudpod niyang sandalyas sa kadahilanan na isang araw lamang daw niyang iyong ginamit? Kung tutuusin maliit na halaga lamang iyon upang pagtalunan pa. Ngunit hindi ito ang aking punto kundi iyung maging fair naman sana sa akin. Kung tutuusin ayoko na nga sana siyang singilin para matapos na dahil umiiwas ako sa usapin. Ang sa akin lamang, kung wala pa siyang pambayad maaari naman siyang humingi ng dispensa sa akin at sabihin kung kelan niya kayang bayaran at ang mga gayong bagay ay akin namang mauunawaan. Ngunit sa halip ay mga salita na di ko totoong inaasahan na mamumutawi sa kanyang bibig ang ipaparating niya sa akin.


Nasaan ang kanyang utak at pang-unawa? Nasaan ang kanyang pagkaguro? Pinaka importante sa isang titser ang pagkakaroon ng "good ethics"… Ang guro ay hindi dapat nangungutang lalo na sa magulang ng kanilang mag-aaral kesehodang hindi na sila kumain o maggayak sa katawan. Hindi ba’t ang guro ang huwaran ng mga mag-aaral? Ang responsibilidad ng isang guro ay hindi lamang tulungan ang mga mag-aaral na mahasa ang kanilang isip sa dunong o katalinuhan. Ang guro ay dapat na magsilbing isang magandang ehemplo upang ang mga mag-aaral ay mahubog din naman ang kaisipan sa kagandahang asal o tamang pag-uugali upang matutong makipagkapwa tao o maging totoong tao.

Nakakapanlumo na malaman na ang isang guro ay may masamang pag-uugali, utangera at higit sa lahat ay mapanglamang nang kapwa. Paano nating masasabi na ang guro ay isang magandang ehemplo kung siya naman ay isang “BALASUBAS?” Ito nga ba ang tamang termino sa isang guro na hindi marunong magpahalaga sa kanyang propesyon at maging sa kanyang obligasyon sa kapwa lalo na sa kanyang hiram o pagkakautang?

Hindi ko po nilalahat ang mga guro dahil iisa lamang po ang ating propesyon subalit siyento porsyento ko pong masasabi na hindi ako nabibilang sa mga gurong hindi karapat-dapat maging isang huwaran o isang magandang ehemplo.

3 comments:

  1. Tama ka diyan bakit may mga ganyan guro at klase ng tao sa mundo.................

    ReplyDelete
  2. oo nga naman.. they should be a good model to everyone pero yan pa ang ginagawa nila :(

    ReplyDelete